Ang Panitik

Annyeonghaseyo, K-world!

“Saan mo gustong pumunta?”, “Ako sa Korea!”.Kung magtatanong ka sa mga kabataan ngayon kung saan nila nais pumunta ay huwag ka nang magtaka kung halos pareho sila ng mga sagot. Talaga naming sikat na sikat ang Korea lalo na sa larangan ng Entertainment at Media. “K-Pop” o Korean Pop na kasalukuyang patok na patok sa mga kabataan. Mapa Boygroup o Girlgroup, pareho nang hinahangaan. Ang mga K-pop Artist ay tunay namang talentado. Kahit na mga lalaki ay magagawang bumirit na mala-Whitney Houston at ang mga babae nama’y nakikipagkarera sa bilis mag rap na ala Francis Magalona. Sa galing nilang sumayaw at sa magagandang cool steps nila ay sadyang madadala ka talaga. Idagdag mo pa ang angking kagandahan at kagwapuhan nila na talaga namang dagdag points. Kaya naman, hindi maitatangging maraming Fangirls at Fanboys na nagsisipag-usap na sila-sila rin lang naman mismo ang nagkakaintindihan, na para bang gumawa sila ng sariling planeta at sariling lengguwahe. Magtatanungan pa kung sino ang “bias” nila? Magtatawagan pa sila ng “Oppa” at “Eonnie”. Kapag tinanong mo naman kung may Bf na sila, ang isasagot sayo ay “Oo,taga Korea!”,nakangiti pa habang sinasabi. Kapag nakarinig sila ng kantang K-pop ay bigla na lamang silang iindak at mapapasayaw,kakanta kahit hindi alam ang liriko na hindi naman nila naiintindihan. Kung titignan mo sila,mapapatunayang malaking impluwensya talaga ang Korea,South.

Hindi rin sila magpapahuli sa mga K-drama, yung mga katabi mong hahampasin ka na lamang bigla dahil sa kilig. Maging ang kanilang mga magulang ay inaabangan at sinusubaybayan ang mga ito dahil sa magagandang istorya at nakaka engganyong presentasyon, lalo na sa mga artistang nagsisiganap.Yung tipong madadala ka ng iyong emosyon at darating sa puntong mas nanaisin mo pang kayo nalang ang magkatuluyan.

Sadyang hindi maitatanggi at maipagkakailang malaki na ang naiambag ng Korea sa larangan ng Entertainment at Media sating mga Pilipino. Patunay lamang ito na ganoon na kaimpluwensya ang nasabing bansa, na kapwa bata at matanda ay tunay na natutuwa sapagkat taglay din ng bansang ito ang magagandang kaugalian at tradisyon na nakahahawig din sa ating paniniwala.  Lahat ay maaaring pumasok sa mundo ng ‘K’, lahat ay maaaring mamangha at humanga. At higit pa dito, Lahat ay maaaring magsabi ng “Annyeonghaseyo”.

Shaira C. Bajenting, Grade 9 - Section 1 

Acacia Annex: Wagi sa Maunawang Pagbasa 2017!

Wagi ang apat na mag-aaral ng TNHS-Acacia Annex sa Taunang Patimpalak na Pansangay sa Maunawang Pagbasa 2017, na ginanap sa Malabon National High School  noong Pebrero 21,2017. Sinimulan ang palatuntunan sa awditoryum ng nasabing paaralan sa ganap na ika-8 ng umaga at ang patimpalak  mula ika-9  hanggang ika-10 ng umaga. Ang mga piling kalahok ay nagmula sa 12 pampublikong paaralan sa Dibisyon ng Malabon mula Baitang 7 hanggang 10. Sinimulan ang patimpalak sa isang oras na pagsagot ng mga mag-aaral sa isang mahabang pagsusulit na may 60 katanungan. Pataasan ng iskor ang labanan upang masukat ang pang-unawa ng mga kalahok sa kanilang binasang mga teksto.

Nasungkit ni Andrea Camille Hilario ang unang pwesto para sa Category A ng Baitang 7-1 at Ikalawang pwesto para sa Category B ni Paula Asia Montejo, na ang gurong tagapagsanay ay si Gng. Rosalinda B.Gabriel. Unang pwesto naman para kay Hanna Mae M. Sevilla ng Baitang 9-1,na ang gurong tagapagsanay ay si Bb. Ma.Juvy J. Deopido  at Ikalawang pwesto para kay Serafin Rapsing Jr. ng Baitang 10-1, gurong tagapagsanay, Rochelle R. Illustrisimo.

Andrea Camille Hilario, Grade 7 - Section 1 

COBANGBANG: KAMPEON SA 21st REGIONAL DepEd-BANGKO SENTRAL ORATORICAL CONTEST

Nasungkit ng Dibisyon ng Malabon ang Kampeonato sa ginanap na 21st DepEd Annual Oratorical Contest ng Bangko Sentral ng Pilipinas- DepEd - Regional Level sa katauhan ni Jessie M. Cobangbang, mag-aaral ng Tinajeros National High School- Acacia Annex. Isang malaking karangalan para sa kanyang mga tagapagsanay na sina G. Mark Alvin Cruz at Bb. Rochelle R. Illustrisimo na kapwa guro sa nasabing paaralan.  Ang patimpalak ay idinaos noong ika- 28 ng Oktubre ,2016 sa ganap na ika-1 ng hapon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Samantala, nakamit naman ng Dibisyon ng Mandaluyong ang ikalawang pwesto sa katauhan ni  Stephane A. Cancino at sa ikatlong pwesto naman ay nakuha ni Neil Allen Z. Milano na kinatawan ng Dibisyon ng Pasay. Ang mga nagsilbing hurado sa nasabing patimpalak ay sina, Dr. Lisa Grace S. Bersales na isang National Statistician at Civil Registrar General, Dr. Jocelyn DR Andaya isang Choir at miyembro ng Senior High School Development Task Force- DepEd, Dr. David Michael M. San Juan, isang Associate Professor ng De La Salle University Manila, Ms. Christine Bersola-Babao isang Veteran T.V. Host. At ang Chairman ng Board of Judges na si Hon. Alfredo C. Antonio na isang Monetary Board Member sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa pagkapanalo ni G.Cobangbang , kinilala siya ng buong Malabon sa kanyang ipinamalas na husay sa pagtatalumpati. Nagdiwang ang buong Dibisyon  sa matamis na tagumpay ng kinatawan nito.Gayundin naman, Kinilala at pinarangalan din ng ating Hon. Mayor Lenlen Antolin Oreta III ang pagkapanalo ni G. Cobangbang. Iba talaga ang galing at talento ng Malabonians.

Serafin Jr. B. Rapsing, Grade 10 - Section 1